ANG MATALIK NA KAIBIGAN NI EMPOY
Kwento ni Meanne Mabesa Mijares
Si Empoy ay isang batang nagtitinda ng sampaguita sa simbahan ng La Sagrado Familia kasama ng kanyang ina na si Aling Julia. Pilay siya kaya laging tinutuya at pinipintasan ng ibang mga bata na tulad din niyang nagtitinda ng sampaguita. Ngunit sa kabila ng lahat ng iyon, nakatagpo siya ng isang mabuti at matalik na Kaibigan.
Araw ng Linggo. Naghahanda na sina Aling Julia at anak nitong si Empoy na dalhin ang kanilang mga ititindang napakaraming mga sampaguita doon sa simbahan ng La Sagrado Familia. Mabango, mahalimuyak at kaaya-ayang tingnan ang mga maliliit at mapuputing mga bulaklak na may mga iba’t ibang kulay na laso sa gitna na maayos na nakalagay sa isang malaking timba na kulay pula.
Si Empoy ay isang batang pilay, kung kaya’t madalas siyang pagtawanan at pintasan ng mga ibang bata na tulad din niyang nagtitinda ng sampaguita. Dahil dito, wala tuloy gustong makipagkaibigan sa kanya. Ayaw nila itong isali sa kanilang mga laro’t kasiyahan.
Hindi na lamang niya pinapansin ang mga ito dahil mas mahalaga pa sa kanya ang tumulong sa ina sa paghahanapbuhay mula nung pumanaw ang kanyang ama sa isang malagim na aksidente at pagligtas sa kanya. Nahinto din siya sa pag-aaral.
“Empoy, tayo na sa simbahan at nang makapuwesto tayo ng maganda oras may bibili na sa atin ng mga sampaguita!”, sabi ni Aling Julia sa anak. “Andiyan na po, Inay,”tugon ni Empoy.
Dumating na sa simbahan ang mag-ina. Wala pang gaanong tao ang naroon. Pumasok muna sila at pinuntahan ang imahe ng Santo Nino na nasa sa kanang dako. Taimtim silang nanalangin dito. At pagkatapos, inilagay ni Empoy ang pinakamagandang sampaguita sa paanan ng Santo Nino at sabay na silang lumabas. Di nagtagal, marami nang mga tao ang pumapasok sa simbahan para sa misa.
Makalipas ang isang oras, may mga tao na namang bumili ng mga sampaguita mula sa mag-ina. Nakita ni Empoy na may isang nahulog na puting panyo mula sa isang nagmamadaling dalagita matapos abutin nito ang sukli mula kay Aling Julia. Paalis na ang dalagita nang habulin siya ni Empoy. “Ale, panyo po ninyo,” sabi ni Empoy. “Uy, salamat! Napakahalaga sa’kin nito…” Masayang ngiti ang kanyang itinugon sa bata.
Matapos tulungan ni Empoy ang ina sa pag-aayos ng mga panindang sampaguita, pumasok muna siya sa loob ng simbahan upang magdasal muli sa Santo Nino. Nakita ito ng ilang mga bata at sila’y nagbulungan at nagtawanan.
“Palibhasa’y walang kaibigan, kung kaya’t nakikipag-usap na lang siya sa rebulto, hindi
naman siya sinasagot. Hahaha!” sabi ng isa.
“Hay naku, kawawang Empoy! Lumpo na, sira pa ang ulo! Tsk…tsk…tsk!”dagdag pa ng isa.” “Sssssh!!!! Pwede bang ‘wag nga kayong maingay diyan at baka marinig pa niya tayo! Tara na sa labas, dali!” sabi naman ng isa.
Tapos nang manalangin si Empoy sa Santo Nino. Nagulat siya nang may isang Bata na umupo sa kanyang tabi at nakangiti. “Huwag mo silang pansinin, Empoy. Maging mabait ka lang sa iyong kapwa kahit hindi sila mabait sa iyo. Sa iyong pakikitungo sa kapwa, lakipan mo ito ng pagmamahal, mahirap man sila o mayaman.”
“Ano ang pangalan Mo?” tanong ni Empoy. “Ako ang iyong Kaibigan.” Sabi ng Bata. “Lagi ka lang magdadasal at manalig sa Diyos, maging masayahin at palaging nakangiti. Huwag kang mawawalan ng pag-asa.” “Maraming salamat sa Iyo, Kaibigan,” ngumiti rin si Empoy sa Bata at kinamayan ngunit pagkatapos, ito’y naglaho.
Hinanap ni Empoy ang Bata ngunit hindi niya ito nakita. Napadaan siya sa isa sa mga upuan nang may makita siyang payong na kulay bughaw na nakahiga. Napakaganda at makinang ito. Bagong-bago! May nakita siyang isang matandang babae na tila ba’y balisang-balisa. Kinuha ni Empoy ang payong at lumapit sa matanda.
“Sa inyo po ba ito?” sabay ngiti ni Empoy nang iniabot niya ang payong.
“Oo! Sa akin nga ito! Hanap ako ng hanap naiwan ko pala dito! Naku, kabibili ko lang nito! Akala ko nawala na! Hay, salamat sa Diyos!” sabay alis ng matanda matapos mag-krus.
Bumalik na sa kanyang ina si Empoy upang tulungan sa pagtitinda ng sampaguita. Ngunit
pagkatapos ay muli siyang nagtungo sa altar ng Santo Nino upang manalangin dito. Biglang naputol ang pagdarasal ni Empoy sa Santo Nino nang marinig niya ang isang ingay mula sa labas na tila ba’y nagkakagulo.
Paglabas niya ay kanyang nakita ang isa sa mga batang nanunuya sa kanya na may hawak na isang malapad at kulay dilaw na pitaka na puno ng napakaraming pera!
“Huwaw! Tingnan ninyo! Tibang-tiba tayo dito! Ang dami! Kunin na kaya natin ito!”
Hindi nagdalawang-isip si Empoy na lapitan sila.
“Itigil nyo yan! Hindi tama ang kunin ang hindi sa inyo! Amina iyan! Isauli ko sa may ari!” giit ni Empoy.
“Sige, pilay! Habulin mo kami!!!!” sabi pa ng isa sabay takbong papalayo.
Tumigil lamang ang habulan nang may dumating na isang babaeng maganda, mabango’t nakapostura. Matangakad. Makinis ang balat. Balingkinitan. Tila mukhang mayaman.
Ipinahamak ng mga bata si Empoy. Pumaripas sila ng takbo at iniwan na lang basta ang pitaka kay Empoy. Nabitawan niya ang dala nitong saklay at siya ay natumba. Kahit pilay-pilay itong maglakad, sinikap niyang abutin ang saklay upang isauli ang pitaka ni Mrs. Enriquez, isa sa mga nagbibigay ng donasyon para sa simbahan.
“Sa inyo po ba ito?”
“Oo, akin nga yan.”
Iniabot ni Empoy ang pitaka sa babae.
“Maraming salamat, iho!” Niyakap nito ng mahigpit si Empoy.
“Mabait at tapat kang bata. Anong pangalan mo?
“Empoy po.”
“Hindi ba’t nagtitinda kayo ng sampaguita ng nanay mo ?” tanong ni Mrs. Enriquez.
“Opo.”
“Sige. Dalhin mo ako sa kanya.”
Pagkalipas ng ilang taon, araw din ng Linggo, may isang magarang sasakyan ang bumaba sa tapat ng simbahan. Lulan nito si Mrs. Enriquez kasama sina Aling Julia at Empoy.
Wala na ang kanyang dating saklay. Ipinagamot siya ni Mrs. Enriquez kung kaya’t nakakalakad nang muli si Empoy at pumpapasok na sa paaralan bilang iskolar. Si Aling Julia naman ay nagta-trabaho na sa isa sa mga kumpanya na pag-aari ni Mrs. Enriquez bilang kalihim.
Pagkatapos ng misa, bumili at pinakyaw nila ang mga tinda na sampaguita. Laking gulat ng mga dating kasama nina Empoy at Aling Julia pagkakita sa kanila dahil matagal nang huminto ang mag-ina sa pagtitinda. Subalit, nagbago man ang lagay nila sa buhay, nanatili silang mabuti at mapagpakumbaba.
Dali-daling nagtungo sa imahe ng Santo Nino ang mag-ina. “May dala kami para sa Iyo. Maraming salamat sa tulong Mo,” sabi ni Empoy.
Nang inilagay ni Empoy ang mga nabiling sampaguita sa leeg ng imahe ng Santo Nino, biglang lumiwanag ang buong paligid na nagmula dito! Lubos na galak ang nadama nina Empoy at Aling Julia, at maging ang iba pang mga deboto na tulad ni Mrs. Enriquez na nakasaksi sa napakaganda’t di malilimutang tagpong iyon.
Muling nagpakita kay Empoy ang Batang kumausap sa kanya noon. Siya ay lubos na nagalak pagkakita niya dito.“Kumusta ka, Empoy? Masaya Ako para sayo. May biyaya ang bawat pagsubok gaano man ito kahirap o kabigat. May nakalaaang gantimpala ang Diyos para sa bawat tao.”
Ngayon lamang napansin ni Empoy na tila may pagkakahawig ang Bata dun sa imahe ng Santo Nino. Ngunit bago pa niya ito tanungin, isang ngiti lang ang itinugon ng Bata at sabay naglaho.
Maya’t-maya pa’y lumapit kay Empoy ang mga batang nanunuya sa kanya. “Patawarin mo kami, Empoy. Kami ay naging sakim at makasarili,” sabay alay ng kanilang mga palad.
Malugod na tinanggap ni Empoy ang paghingi nila ng tawad at alok na makipagkaibigan. Ngunit sa puso niya ay nag-iisa lamang at bukod-tangi ang matalik niyang Kaibigan dahil tanggap siya Nito maging sino man siya at hindi yun magbabago kalian man-ang Santo Nino!
No comments:
Post a Comment